KALIBO, Aklan — Sugatan ang isang lalaki nang aksidente siyang mabaril ng kanyang sariling tiyuhin matapos mapagkamalang unggoy sa Barangay Taguroroc, Nabas, Aklan, umaga ng Miyerkules, Nobyembre 1, 2023.
Base sa report, nagkayayaan umano ang magkaibigang Anecito Vicente alyas “Kano”, 42, residente ng naturang lugar at Bobby Columbres, 47, ng Barangay Unidos, Nabas sa bundok para mangaso ng unggoy na gagawing pulutan.
Nakarinig umano ng kaluskos ang mga suspek nang mapunta sa masukal na lugar dahilan na agad na itinutok ang dalang homemade shotgun.
Dahil buhok lamang ang nakikita sa biktimang si Jhon Felix Vicente, 22, residente ng nasabing lugar at mistulang nakayuko pa ito habang nangunguha ng gulay agad siyang pinaputukan ng baril ng tiyuhin.
Agad na isinugod sa Ibajay District Hospital ang biktima dahil sa tinamong dalawang daplis ng bala sa kanyang ulo, ngunit kalaunan ay inilipat rin sa Aklan Provincial Hospital sa bayan ng Kalibo.
Kasalukuyang nakapiit ang mga suspek sa lock-up cell ng Nabas Municipal Police Station.