KORONADAL CITY – Na-rescue at naibaba mula sa bubungan ng 2-storey house ang isang 31-anyos na lalaking nagtangkang tumalon kaninang pasado alas-3 ng hapon.
Kinilala ito na si Bobong Vilmor Arigo, 31-anyos na residente ng Osita Subd. Barangay Zone 2, Koronadal City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Ginang Zoraida Yanson, pinsan nito, nakakaranas umano ng depresyon si Bobong at palagi nitong sinasabi na natatakot siyang hulihin ng PDEA o pulis.
Ngunit hindi naman maipaliwanag ni Ginang Yanson kung bakit ito ang sinasabi ng kanyang pinsan.
Kaninang umaga umano ay maaga pang nawala si Bobong kaya’t hinanap ito ng kanyang amo at iniuwi sa kanilang bahay.
Ngunit, kinahapunan ay nagulat na lamang sila nang makitang nasa bubunga na ito ng Baldon residence at nagtangkang magpakamatay sa pamamagitan ng pagtalon.
Naagapan naman agad ng kanyang mga kasamahan sa trabaho at pinakiusapan na bumaba at huwag ituloy ang pagpapakamatay.
Agad naman na rumesponde ang mga otoridad ngunit tumagal pa ng mahigit 4 na oras bago tuluyang bumaba si Bobong.
Binihisan naman ito ay dinala sa police station matapos na bumaba mula sa bubungan ng bahay.
Napag-alaman na walang asawa at matagal na umanong nagtatrabaho sa isang shop ang nabanggit na lalaki.