CAUAYAN CITY- Naaresto ng mga otoridad sa lalawigan ng Zambales isang lalaking nakapatay sa isang koreano sa Bayan ng Solano at number 1 Most Wanted Person sa region 2.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMajor Novalyn Aggasid, hepe ng Villaverde Police Station, sinabi nito na matagumpay ang pagkakaaresto ng akusado na responsable sa pagpaslang sa isang Korean National sa Solano, Nueva Vizcaya anim na taon nang nakakaraan.
Ang akusado ay si Kristopher Mesias, 39 anyos, may kinakasama at tubong Villaverde, Nueva Vizcaya.
Nadakip ang akusado sa inilatag na manhunt charlie operation COPLAN KOREAN ng pinagsanib na puwersa ng Villaverde Police Station; Provincial Intelligence Unit – Nueva Vizcaya Police Provincial Office; Regional Intelligence Unit 2 ; Subic Municipal Police Station; City Intelligence Unit – Olangapo City, Zambales Police Provincial Office, Rregional Intelligence Unit 3, Olongapo City Maritime Group at 142nd SAC, 14th Special Action Battalion PNP SAF
Ayon kay PMajor Aggasid nang matukoy na nasa Zambales ang akusado na ilang buwan din na minanmanan ay kaagad silang nagsagawa ng operasyon at matagumpay na nadakip sa Sitio Bukid, Calapacuan, Subic, Zambales.
Taong 2015 ng maganap ang pagpatay sa isang Korean National sa isang paupahang apartment sa Bayan ng Solano, Nueva Vizcaya.
Nakuha sa Crime scene ng mga kasapi ng Scene Of The Crime Operatives (SOCO) ang isang ginamit na cartridge case at isang piraso ng fired bullet na mula sa isang caliber 45 na baril.
Lumabas sa pagsisiyasat ng pulisya na si Mesias ay naging kasamahan ng Koreano at nagsilbing driver / body guard nito at nang makalipas lamang ang anim na araw pagkatapos matuklasan ang krimen ay nadakip ito sa isang bar sa Roxas, Solano.
Dinakip ang Mesias nang panahon na iyon dahil sa iligal na pagbitbit ng isang caliber 45 na baril na nagtugma sa armas na ginamit sa pagpatay sa biktima.
Matagumpay na naisilbi sa akusado ang Warrant of Arrest na ipinalabas ni Hukom Rogelio Corpuz at Hukom Paul Attolba ng RTC Branch 27, Bayombong, Nueva Vizcaya para sa mga kasong pagpatay at paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act na walang inirekomendang pyansa.
Nakipag-ugnayan na rin sa Korean Embassy ang mga otoridad nang maipaalam sa pamilya ng Koreano ang tuluyang pagkakadakip ng akusado.