-- Advertisements --

NAGA CITY – Hustisya ang sigaw ng pamilya ng babaeng pinatay ng kinakasama nito sa Barangay Cararayan, Naga City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Reymund Morada, kapatid ng biktimang si Janeth Morada, nanawagan ito sa pamilya ng suspek na si Froilan Arogante na tulungan silang mahuli si Arogante para harapin ang kaso sa nagawang krimen.

Ayon kay Morada, mabuting makisama si Arogante ngunit napapansin nila na tila biglang nag-iiba ang aura nito tuwing makikita ang mga pamangkin nilang dalaga.

Dati na aniyang nakulong si Arogante matapos itanan ang 16-anyos niyang pamangkin.

Ngunit naawa ang biktimang si Janeth kung kaya inatras na lamang ang kaso.

Naniniwala rin si Morada na ang 15-anyos na anak ng biktima ang nagugustuhan naman sa ngayon ng suspek.

Una nang nag-away ang biktima at ang suspek hanggang sa sinimulan na nitong saktan ang ginang.

Nakita umano ito ng 15-anyos na anak kung kaya iginapos din ito ng suspek bago isinagawa ang pamamaslang.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang manhunt operation ng mga otoridad para madakip ang suspek na agad na tumakas matapos ang pangyayari.