CAUAYAN CITY – Nagkaroon na ng linaw ang imbestigasyon ang PNP San Mariano sa kasong pananaga sa Santa Filomena matapos magtungo sa kanilang himpilan ang suspek kasama ang mga opisyal sa kanilang barangay.
Ito ay matapos na inaming siya ang tumaga sa biktimang taga-Yeban Norte, Benito Soliven, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Staff Sergeant Jhonimar Baingan, tagasiyasat ng San Mariano Police Station, sinabi niya na kasabay ng pagtungo ng suspek sa kanilang himpilan ay sinabi nitong nag-usap na siya at ng biktima sa isang pagamutan sa lungsod ng Cauayan kung saan nagpapagaling ang biktima.
Subalit nakatakda ulit silang mag-usap kapag nakalabas na ang biktima sa pagamutan.
Ayon kay Baingan, napag-alaman nila na kaya nagawang tagain ng suspek ang biktima ay dahil sa mga nabasa nitong mensahe ng biktima sa cellphone ng kanyang asawa na sila ay magkikita sa isang lugar.
Dumating umano ang biktima ng hatinggabi ng ika-28 ng Setyembre sa lugar subalit ang suspek ang nakipagkita at doon na siya nito pinagtataga.
Inamin naman umano ng biktima na may relasyon sila ng asawa ng suspek.