Natagpuan sa bahay ng kapitbahay ang lalaking taga-Algeria na nawawala sa loob ng 26 taon. Ang bahay ay ilang minutong lakaran lamang mula sa bahay ng nawawalang lalaki.
Ayon sa mga ulat, kinilala ang lalaki na si Omar B. na bigla na lamang nawala noong 19 na taong gulang pa lamang siya sa kasagsagan ng Algerian Civil War noong 1998.
Inakala na lamang ng pamilya nito na na-kidnap o pinatay ang kanilang kaanak.
Natagpuan si Omar B. matapos maglabas ng hinaing ang kapatid ng suspek sa social media patungkol sa ‘di umano’y away sa mana.
Nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang 61 taong gulang na suspek matapos magtangkang lumabas ng bansa.
Ayon sa local media ng Algeria, hindi umano nakahingi ng tulong ang biktima dahil mayroon umanong orasyon ang ginawa sa kanya.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad at kasalukuyan ding nasa medical at psychological care ang biktima.