-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Boluntaryong sumuko sa pulisya ang isang 53-anyos na lalaki matapos nitong mapatay sa pamamagitan ng paghataw ng “bara de cabra” o crowbar ang kanyang nakatatandang kapatid dahil umano sa pagtanggi na magpagamot sa isang mental hospital.

Kinilala ni PO3 Rachel Sandig ng Ibajay Police Station ang suspek na si Carlos Dumalaog habang ang biktima ay si Ambrocio Dumalaog, 57, kapwa walang asawa at residente ng Sta. Rita St., Brgy. Poblacion, Ibajay, Aklan.

Base sa report, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang magkapatid nang biglang nagbago ang isip ng biktima na magpadala sa mental hospital dahil sa pagiging bayolente kapag inaatake ng nervous breakdown.

Dito umano napikon ang suspek dahil naayos na nito ang lahat kasama ang inarkilang sasakyan papuntang Pototan, Iloilo.

Sinabi ni Carlos na tinangkang siyang atakehin ng kanyang kuya gamit ang patalim dahilan na kinuha ang nakitang bara de cabra at pinalo ito sa ulo ng apat na beses na agad nitong ikinamatay.

Nabatid na noong 2014 ay na-stroke ang biktima hanggang sa nagkaroon ng nervous breakdown, kung saan, ang suspek rin ang nag-aalaga dito.