CEBU – Patay ang lalaki matapos na nakuryente nang tumulong ito sa mga bombero sa pag-apula ng apoy sa nangyaring sunog sa Sitio Cruzan, Barangay Bulacao, lungsod ng Talisay.
Kinilala ang biktima na si Jonard Requilme, 21 taong gulang at residente sa nasabing lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cebu kay Fire Officer 2 Mar Dee Auxtero, sinabi nitong aksidenteng nahawakan ni Requilme ang live wire habang hinila nito ang kanilang water hose.
Aniya, tumilapon ang biktima at agad itong isinugod sa ospital ngunit idineklara na itong dead on arrival.
Nabatid na umabot sa P1.5-million ang danyos sa nasabing sunog kung saan nasa 20 kabahayan ang natupok at 161 naman na mga indibidwal ang apektado.
Sa ngayon ay nasa Central and Kabanayan Child Development Center ng nasabing barangay pansamantalang inilakas ang mga biktima habang hinihintay ang tulong ng City government.