Naghain ng guilty plea ang isang lalaki sa Salt Lake City, Utah matapos itong kasuhan ng mga otoridad dahil sa pananakot umano nitong pagbabarilin ang mga babae dahil hindi raw ito nagkaka-nobya.
Kinilala ng mga otoridad ang suspek na si Christopher W. Cleary, 27-anyos at taga Denver City.
Ayon kay Utah prosecutor Chad Grunander, nag-post umano sa kanyang Facebook account si Cleary sa pina-plano nitong pagpatay sa mga kababaihan dahil virgin pa raw ito.
Inaresto ang suspek habang nasa Provo, Utah noong Enero 19, parehong araw kung saan nagsagawa ng pagmartsa ang mga kababaihan sa Utah.
Kinumpirma rin ng mga otoridad na matagal na nilang minamatyagan ang suspek matapos silang makatanggap ng mga reklamo sa pananakot at pagbabanta nito sa mga kababaihan doon.
Sa ngayon ay hindi pa naglalabas ng opisyal na pahayag ang abogado nitong si Dustin Parmley.