Nakakaranas ng power outage ang lalawigan ng Batanes bunsod ng pagkaantala ng pagdating ng suplay ng fuel para sa linya ng kuryente dahil na rin sa epekto ng bagyong Betty.
Ayon kay Batanes Governor Marilou Cayco, nakaranas ang mga residente ng power service interruptions matapos ma-stranded sa Bolinao, Pangasinan ang motor tanker ng National Power Corporation na nakatakdang magdala ng suplay ng langis para sa mga planta
Inihayag din ng Gobernadora na posibleng magtagal nitong nakalipas na magdamag o 24/7 na walang kuryente sa kanilang lalawigan kung magtatagal pa ang masamang lagay ng panahon.
Samantala, upang matugunan ang isyu sa kawalan ng suplay ng kuryente, umapela na rin ang local executive para sa malalaking fuel tanks o karagdagang generator sets para sa kanilang probinsya para matulungan silang mapanatili ang buffer stock.
Dahil sa epekto ng bagyong Betty, inanunsyo na din ni Gov. Cayco na wala ng pasok sa lahat ng antas ng paaralan sa kanilang lugar at maging sa mga trabaho sa pribado at pampublikong sektor.
Kanselado na rin ang flights sa lugar at walang pinapayagang maglayag at mangisda sa mga isla.
Kasalukuyang nakataas ang storm signal number 2 sa Batanes at northeastern portions ng Cagayan at malakas na hangin at manaka-nakang pag-ulan ang nararanasan sa naturang lalawigan.