Nagdeklara na ng dengue outbreak ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bohol kasunod ng rekomendasyon ng Provincial Anti-Dengue Task Force (PADTF) dahil sa malaking pagtaas ng mga kaso.
Batay sa datos mula Enero hanggang Agosto 24, pumalo na sa 5,839 ang naitatalang kaso kung saan 14 katao na nasawi.
Mas mataas pa ito ng 451.4% mula sa 971 na kasong naitala noong nakaraang taon.
Ilang bayan pa ay lumampas na sa epidemic threshold kabilang ang Tagbilaran City, Talibon, at Trinidad.
Bilang tugon pa, naglaan ang lalawigan ng ₱5.3 milyon para sa IV fluids, testing kits, at kama para sa mga provincial hospital.
Inatasan na rin ang mga local government units (LGUs) na muling isaaktibo ang mga task force at ipatupad ang 4S strategy—Search and Destroy, Self-protection, Seek Early Consultation, at Support Fogging.
Inihayag ni Provincial Health Officer Dr. Cesar Tomas Lopez, na bukod sa pagdeklara ng outbreak ay idineklara rin ang state of calamity upang mapadali ang pagbili sa mga gamit para sa dengue lalo na sa mga lugar na mataas ang kaso.
Nilinaw pa ni Lopez na bagama’t libo-libong kaso ang naitala sa lalawigan ngunit tinataya pa umano ng task force na nasa 670 na lamang ang aktibo sa nakalapas na linggo.