-- Advertisements --

Opisyal na idineklara ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. ang lalawigan ng Camarines Norte bilang avian influenza-free province.

Ito ay kasunod ng matagumpay na containment ng nasabing nakakahawang sakit resulta ng agarang aksyon ng mga lokal na pamahalaan at DA.

Nabatid na isang kaso ng highly pathogenic avian influenza subtype H5N2 ang natukoy noong huling buwan ng nakalipas na taon sa isang backyard duck farm sa bayan ng Talisay.

Bilang tugon, mabilis na ipinatupad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Camarines Norte, sa pakikipag-ugnayan sa pamahalaang munisipyo, DA Regional Field Office V, at Bureau of Animal Industry (BAI), ang isang komprehensibong control strategy.

Kabilang na dito ang agarang depopulation ng apektadong farm, masusing paglilinis at pagdidisimpekta, movement restrictions at pinahusay na monitoring.

Batay sa memorandum circular 06, sinabi ni Secretary Tiu Laurel na ang deklarasyon ng avian influenza-free status sa lalawigan ay dahil walang naitalang panibagong kaso ng sakit sa loob ng 28 araw.