Wala nang naitalang aktibong kaso ng COVID-19 ang lalawigan ng Capiz.
Ito ang kinumpirma ni Dr. Ramon Alex Nolasco, ang Provincial Officer II ng Capiz Provincial Health Office, ng makapanayam ng Bombo Radyo.
Sinabi nito, na gumaling na ang huling pasyente ng nasabing virus, at hindi na rin nakapagtala ang lalawigan ng panibagong kaso.
Sa kabila nito, patuloy pa rin ang adbokasiya ng Provincial Health Office na pagpapatupad ng health protocol gaya ng pagsusuot ng face mask at paghikayat na magpabakuna ang mga residente, lalo na ang mga may edad lima hanggang labing-isa at mga senior citizens, na itinuturing na vulnerable sa nasabing sakit.
Nagpasalamat din si Nolasco sa administrasyon ni Governor Fredenil Castro, sa mga Municipal Health Officers at sa mga Barangay Health Workers na sumusuporta sa kanilang kampanya kontra COVID-19.