VIGAN CITY – Hindi umano magdadalawang-isip ang provincial government ng Ilocos Sur na isailalim sa lockdown ang buong lalawigan kung sakali mang lumala ang outbreak sa coronavirus disease 2019.
Ito ang matapang na pahayag ni Governor Ryan Singson sa harap ng mga miyembro ng media sa isinagawang emergency meeting kaugnay sa COVID- 19.
Ang nasabing hakbang umano ang naiisip ni Singson upang maiwasang mahawaan ng nasabing pandemic ang mga taga- Ilocos Sur.
Nauna rito, ipinag-utos ng gobernador ang mahigpit na quarantine procedures sa mga taga- Ilocos Sur na uuwi sa lalawigan galing sa mga bansang apektado ng COVID- 19 sa pamamagitan ng mga barangay officials at barangay health workers na magmomonitor sa mga ito.
Sa ngayon, mayroon nang dalawang persons under investigation sa lalawigan ng Ilocos Sur at mayroon na ring ilang bayan na nakapagtala ng persons under monitoring ngunit wala pang nagpopositibo sa nasabing virus.