ILOILO CITY – Ipinag-utos na ni Iloilo Governor Arthur “Toto” Defensor Jr. sa lahat ng mga district hospital sa lalawigan ng Iloilo na magbigay ng libreng serbisyo sa dengue patients.
Ito ay kasunod ng kanyang pagpapalabas ng Executive Order 016 na nagdedeklarang isailalim ang lalawigan ng Iloilo sa dengue outbreak.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Gov. Defensor, sinabi nito na ang kanyang pagpalabas ng EO ay upang ipaalam sa publiko kung gaano kalala ang problema sa dengue.
Ayon kay Defensor ang EO ay iba rin sa ordinansang ipapasa ng sanguniang panlalawigan kung mayroong kalamidad.
Ngayong araw, magsisimula ang “Do Day Kontra Dengue Drive,” ang lingguhang paglilinis sa bawat barangay.
Ang nasabing hakbang ayon sa gobernador ay upang masugpo ang nasabing sakit at hindi na madagdagan ang mga pasyente sa bawat district hospital.
Sa pinakahuling datos, umaabot na sa halos 4,000 ang dengue cases sa lalawigan ng Iloilo kung saan 18 na ang nasawi.