ILOILO CITY – Pormal nang isinailalim sa state of calamity ang lalawigan ng Iloilo dahil sa epekto ng El Niño.
Mismong si Iloilo 1st District Board Member Marcelo Valentin Serag, chairman ng Committee on Disaster Risk Reduction and Management sa Sangguniang Panlalawigan, ang nag-endorso ng State of Calamity.
Dahil dito, aprobado na ang P31.4-million para sa mitigating measures para sa mga apektado ng El Niño na kinabibilangan ng P10.8-million para sa agrikultura at pambili ng liquid organic fertilizer; P13-million para sa social service o food for work; P100,520 para sa health impacts sa pagsugpo ng water borne diseases; P4-million para sa jetmatic pumps; P2-million para sa anti-bacterial vaccines; P500,000 para sa Information Education Campaign, fireline at guarding at P500,000 para sa brochures may kaugnayan sa Information Education Campaign.
Napag-alaman na umaabot sa P1.2-billion ang naitalang pinsala ng El Niño sa lalawigan ng Iloilo partikular na sa palay, mais at high value commercial crops.
Mahigit sa 456,000 na magsasaka at 39,000 ektarya ang apektado ng nasabing kalamidad.