CAUAYAN CITY – Isinailalim na sa state of calamity ang lalawigan ng Isabela dahil sa malawakang pagbaha na dulot ng mga pag-ulang dala ng bagyong Ulysses.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Governor Rodito Albano na nakikipag-ugnayan na siya sa sangguniang panlalawigan para sa ilalaang pondo sa deklarasyon ng state of calamity sa Isabela.
Aniya, halos lahat ng mga low lying areas sa lalawigan ay lubog na ngayon sa baha at marami na ring pananim ang dumapa at nasira.
Bukod dito, may isa na ring nasawi sa bayan ng Jones matapos na anurin ng baha.
Kaugnay nito, nais nilang magsagawa ng dredging sa mga sapa para makalabas ang tubig sa ilog Cagayan at hindi magdulot ng baha kapag tumataas ang antas ng tubig.
Makikipagtulungan naman aniya si Gov. Manuel Mamba ng Cagayan para sa naturang proyekto.
Pinaalalahanan naman ng punong lalawigan ang mga lumilikas na mamamayan na mag-ingat pa rin para makaiwas sa COVID-19.