DAVAO CITY – Mabilisan ang pagsagip ng mga residente sa kanilang naiwan na mga propedad matapos na bigla na lamang silang binaha kahapon ng hapon partikular na ang mga naninirahan sa Sitio Sanghay Barangay Lagumit Malita, Davao Occidental.
Karamihan sa mga residente ay nabigla lalo na at hindi naman nila nararanasan ang parehong lakas ng pagbaha sa kanilang lugar.
Inaalam pa ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Malita kung may naitalang casualty matapos ang nasabing pagbaha.
Samantalang muling pinabalik ang mga residente ng Purok 8, Barangay Magsaysay Nabunturan Davao de Oro sa evacuation center matapos na lubog pa rin sa baha ang kanilang mga bahay.
Sinasabing nasa 121 na mga indibidwal o 37 na mga pamilya ang pinalikas matapos makatanggap ng report ang MDRRMO-Nabunturan sa kanilang sitwasyon.
Pinangunahan ng Nabunturan Emergency Response Team (NERT) ang muling pagdala ng mga residente patungo sa mga evacuation center sa lugar.
Sinasabing ang patuloy na nararanasan na mga pag-ulan sa Davao region at sa ilang parte ng Mindanao ay dulot ng easterlies at localized thunderstorms.
Posibleng mararanasan pa ang mga pag-ulan sa rehiyon hanggang sa susunod na mga araw dahilan na pinaalalahanan ang mga residente na mag-ingat lalo na sa mga lugar na delikado sa mga pagbaha at landslide.