Binigyang diin ng Commission on Elections na hindi nila isasailalim sa area of concern sa lalawigan ng Sulu matapos ang nangyaring pananambang sa isang Comelec official nitong nakalipas na weekend.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, hindi maaaring gawing basehan ang isang insedente ng karahasan para magdeklara kaagad ng area of concern.
Ginawa ni Garcia ang pahayag sa pagdalo nito sa sidelines ng live test ng election management system para sa susunod na halalan.
Aniya, hindi ito magiging patas sa ekonomiya ng Sulu maging sa kanilang pamamahala at mga LGU.
Kung maaalala, kinumpirma ni Garcia ang pananambang sa Sulu Provincial Election Supervisor na si Julie Vidzfar sa Zamboanga City.
Nakaligtas sa kamatayan si Vidzfar ngunit nauwi naman ito sa pagkamatay ng kanyang kapatid na sakay ng kaparehong sasakyan na pinagbabaril.
Paliwanag ni Garcia na ang pamamaril ay maaaring may kaugnayan sa halalan.