BAGUIO CITY – Naniniwala ang Pinoy folk icon na si Joey Ayala na kahit may pandemya ay malaki pa rin ang pagkakataon ng bawat Pilipinong musikero na ipamalas ang kanilang angking galing.
Sa exclusive interview ng Star FM Baguio kay Joey, sinabi nito na maraming paraan ang kahit sinong Filipino artist para makapagbahagi pa rin ng kanilang musika, sa pamamagitan ng mga online concerts at maging sa songwriting sa panahon ng pandaigdigang krisis.
Sa katunayan ay sa panahong ito aniya lalong bumubuhos ang iba’t ibang kolaborasyon ng mga musikero at dito napatunayan na hindi hadlang ang anumang problema sa pagtataguyod ng pagmamahal sa musika.
“Napakaraming oportunidad ngayon for musicians, kasi content driven na ang internet. Ibig sabihin, the demand for things to put online, mataas. Ang daming oportunidad para sa mga OPM artists natin ngayon kahit may krisis.“
Dagdag pa ng dating chairman ng music committee ng National Commission for Culture and the Arts, dapat na lalong paigtingin ang pagmamahal sa Orihinal na Pilipino Music o OPM para sa tuluyang pagbangon nito.