CAGAYAN DE ORO CITY – Ikinagalit umano ng ilang mga residente ng Marawi City ang naging laman ng 4th State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ay sa kadahilanan na hindi man lang umano binigyan pansin ng Pangulo ang mabagal na rehabilitasyon ng lungsod at ang mahirap na kalagayan ng mga evacuees sa nangyaring Marawi siege.
Kanila ring isinagawa ang sariling State of Marawi-Bakwit address o SOMBAK kung saan binigyan ng mga ito ng bagsak na grado si Duterte.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cagayan de Oro, inihayag ni Maranao Consensus convenor Drieza Abato Lininding na inalmahan ng mahigit 500 evacuees ang hindi pagtupad umano ni Pangulong Duterte sa kanyang pangako na ipabalik sila sa kanilang mga bahay sa ground zero bagao sana matapos ang buwan ng Hulyo nitong taon.
Ayon kay Lininding kanila ring ikinadismaya ang hindi pag-imbestiga ng kongreso sa nangyaring Marawi siege noong taong 2017 na ikinasawi ng maraming buhay at pagkasira ng pamamahay ng libo-libong residente ng naturang lungsod.