-- Advertisements --
Screenshot 2019 07 09 08 41 50
Carlos Zarate

LEGAZPI CITY – Tuloy pa rin sa pagtakbo sa House speakership post ang isang kasapi ng Makabayan bloc sa kabila ng pag-endorso ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Taguig-Pateros District Rep. Alan Peter Cayetano.

Magiging kahati umano nito si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco dahil sa term sharing, habang si Leyte Rep. Martin Romualdez ang magiging Majority Floor Leader.

Ayon kay Bayan Muna Party-list Rep. Carlos Isagani Zarate, hindi na nito ikinabigla ang ginawa ng Pangulo dahil sa namumuong paksyon sa “super majority”.

Tahasang sinabi ng mambabatas sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, na pinarurupok lamang ng naturang hakbang ang kalayaan sa pagpili sa Kamara kaya itutuloy pa rin ang pagtakbo.

Ayon pa kay Zarate, mag-uumpisa na ang “lame duck syndrome” kung saan malinaw na kabilang sa mga isusulong ang pagbabago ng Saligang Batas.

Posible rin aniyang madaliang matanggal ang sino mang nasa posisyon kung hindi nakaayon sa interes ng super majority coalition ang gagawin nito.