BAGUIO CITY – Patuloy na naitatala ang mababang temperatura sa Baguio City at sa ilang bayan ng Benguet tuwing madaling araw hanggang alas-siyete ng umaga.
Ayon kay Pagasa-Baguio weather specialist Letecia Dispo, naitala ang 10.8°C na lowest temperature sa Baguio City kaninang alas-5:30 ng madaling araw.
Naitala naman ang lowest temperature sa Baguio ngayong 2020 noong February 1 na umabot sa 10.2°C.
Sinabi niya na ang mababang temperatura na nararanasan ngayon sa ilang lalawigan ng Cordillera at sa Baguio City ay resulta ng hanging amihan o ng malakas na hangin na nanggagaling sa Siberia na inaasahang magtatagal hanggang ngayong buwan ng Pebrero.
Gayunman, mas mababa aniya ng hanggang 3°C sa ibang bayan ng Benguet na may mas mataas na lokasyon kaysa sa Baguio City.
Batay sa rekord ng Pagasa, mas mababa ang naitatalang temperatura sa ilang lugar sa mga bayan ng Benguet gaya ng Mount Santo Tomas sa Tuba, Barangay Madaymen sa Kibungan, sa summit ng Mount Pulag sa Kabayan at sa Barangay Paoay sa Atok.
Naitala naman ang pinakamababang temperatura sa Baguio City na 6.3°C noong January 18, 1961.