Lumalabas sa inisyal na resulta ng post blast investigation ng Explosive Odnance Division (EOD) team sa Lamitan bombing na ammonium nitrate fuel oil bomb ang ginamit na improvised explosive device (IED).
Tinatayang 40 hanggang 50 kilos ang ginamit na pampasabog sa IED at dahil sa dami ng ammonium nitrate kung kaya napakalakas ng impact ng pagsabog na nag iwan ng malaking butas na may lalim na four feet.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay WesMinCom (Western Mindanao Command) chief Lt. Col. Gerry Besana, batay din sa ulat ng EOD personnel ay may nakita silang fragments ng dalawang 20 liters gallon container, bakas ng malaking kaldero, at nabanggit na kilo ng ammonium nitrate na niluto sa gasolina na may kaunting langis.
Una nang tinukoy ng militar na grupo ni Abu Sayyaf leader Puruji Indama ang nasa likod ng pagsabog.
Samantala, hindi pa makumpirma ng militar na ang Moroccan bomber na si Abu Kathir Al/Magrhibi ang nasa likod ng bombing dahil ongoing pa ang imbestigasyon.
Pero kung totoo man daw na ang Moroccan jihadist ang responsable at kung makita ito ng mga pulis at sundalo na pakalat-kalat sa area tiyak na wala itong lusot dahil sisiguraduhin nilang arestado ito.
Sakali namang manlaban ito sa mga otoridad, tiyak ding hindi tatagal ng isang minuto ang buhay nito dahil sisiguraduhin nilang patay ang terorista.