-- Advertisements --

Nakumpiska ang lampas kalahating milyon na halaga ng ilegal na droga sa isinagawang buy-bust operation sa Lucena City, Quezon.

Kinilala ang suspek na si alyas Jabu, 50 anyos, residente ng Brgy. Concepcion Palasan, Sariaya, ng nabanggit na bayan. Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Naga mula sa Quezon Police Provincial Office, inaresto umano ang suspek matapos na makabili dito ang nagpanggap na buyer ng mga awtoridad ng isang pirasong heat-sealed transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu.

Nang magsagawa ng preventive search sa suspek, nakuha pa dito ang isang heat-sealed transparent plastic bag ng hinihinalang shabu, at dalawa pang heat-sealed transparent plastic sachet ng hinihinalang ilegal na droga.

May kabuuan umanong bigat lahat ng nakumpiska ng mahigit-kumulang 28 grams, at nagkakahalaga ng ₱571,200.

Sa ngayon, dinala na ang suspek sa Lucena City Police Station para sa karampatang disposisyon.