Naga City-Nakumpiska ang lampas ₱163,000 na halaga ng ilegal na droga sa Sariaya, Quezon.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas Mak, 25 taong gulang, residente ng Barangay Bukal Sur, Candelaria, alyas Marjun, 32 taong gulang, residente ng Barangay Guis-Guis, San Roque, Sariaya, at si alyas Elmer, 43 taong gulang, residente rin ng Barangay Guis-Guis, San Roque, Sariaya, lahat sa nabanggit na probinsya.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Naga mula sa Quezon Police Provincial Office, inaresto aniya ang mga suspek matapos na makabili ng isang pirasong heat-sealed transparent plastic sachet ng pinaniniwalaang shabu ang poseur-buyer ng mga awtoridad sa mga suspek.
Nang kinapkapan ang mga ito, nakumpiska pa sa kanila ang apat na pirasong heat-sealed transparent plastic sachet ng pinaniniwalaang ilegal na droga.
May kabuuang bigat aniya ang lahat ng nakumpiska ng 8 grams at nagkakahalaga ng ₱163,200.
Sa ngayon, dinala na ang mga suspek sa Sariaya Municipal Police Station para sa karampatang disposisyon.