CAGAYAN DE ORO CITY – Niyanig ng apat na magkakasunod na lindol ang Lanao del Sur at Bukidnon na naging sanhi ng pag-panic ng taong bayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PHIVOLCS-10 Regional Dir. Marcial Labininay na bandang alas 12.36 ng tanghali nitong araw nang makaranas ng 4.1 magnitude na lindol ang bayan ng Wao, Lanao del Sur kung saan iilang istraktura ang nagtamo ng crack sa mga pader nito, ngunit wala namang mga taong nasaktan.
Naitala rin ang intensity 4 sa bayan ng Kalilangan, intensity 3 sa Kadingilan at intensity 2 sa Maramag at Cabanglasan sa probinsiya ng Bukidnon.
Ayon kay Labininay na makalipas ang limang minuto, niyanig rin ng intensity 2 ang Kalilangan at sinundan pa ito ng 3.7 magnitude na pagyanig pagkalipas lamang ng isang minuto kung saan kabilang sa tinamaan ang bayan ng Pangantucan at Kibawe.
Bandang ala-1.02 naman ng hapon, muling naitala ng Phivolcs ang intensity 2 na pagyanig sa bayan pa rin ng Kalilangan at mga karatig na lugar.
Tectonic umano ang origin ng naturang mga pagyanig.
Nauna nang tinukoy ng Phivolcs na ‘local fault line’ ang ilang bahagi ng Bukidnon at Lanao del Sur.