(Update) CAGAYAN DE ORO CITY – Inilunsad nang pulisya at militar ang pursuit operation laban sa armadong grupo na nasa likod ng pag-ambush patay sa tatlong sundalo at isang sibilyan sa Poona Piagapo at Pantao Ragat, Lanao del Norte.
Ito ay matapos tukuyin ng Police Regional Office Region (PRO-10) na hindi malayo na ang Dawlah Islamiyah (DI) terror grouop na nakabase sa Lanao del Sur ang nanambang at pumatay sa mga biktimang sina Corporals Albert Saura, Bryan Binayog, Private First Class (PFC) Albert Soriano na sakop ng 4th Mechanized Batallion ng 1st ID, Philippine Army at sibilyan na si Camilo Andog na residente sa lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni PRO-10 spokesperson Capt. Francisco Sabud Jr na imposibleng kagagawan ng New People’s Army (NPA) ang pananambang sapagkat hindi umaabot ang mga ito sa lugar kumpara sa DI terrorists na labas-pasok sa boundaries ng Lanao del Sur at Lanao del Norte.
Inihayag ni Sabud na hinihintay nila ang magiging testimonya ng mga testigo partikular sa civilian survivor na si Hadji Amen Sumagumba na natamaan ng indiscriminate fires mula sa panig ng mga suspek.
Magugunitang sa taong 2020, ilang uniformed personnel ng PNP at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang nasawi nang tina-target ng remnants ng terror group bilang paghihiganti matapos pabagsakin ng gobyrerno ng Maute-ISIS na nagtangkang umagaw ng Marawi City noong Mayo 2017.