-- Advertisements --

Tiniyak ng Land Bank of the Philippines (Land Bank) sa publiko na hindi nito kukunsintihin ang ang anumang fraudulent practices sa kanilang bangko.

Ito sa gitna ng kanilang isinasagawang imbestigasyon hinggil sa umano’y iligal na profiteering ng ilang bank insiders na nagsisilbing “go betweens” o “agents” sa mga loan application.

Ipinahayag ito ng Land Bank bilang tugon sa inihaing House Resolution No. 2543 ni ACT CIS party-list Re. Rowena Niña Taduran na naghahanap ng congressional inquiry tungkol sa umano’y loan scheme sa mga ahente nitong nangangako ng mas mabilis na approval ng kanilang loan kapalit ng 10% ng loan proceeds.

Sa kanyang resolusyon ay binanggit ni Taduran ang kaso ng American Boulevard president na si Alberto Ching na hindi natanggap ang malaking bahagi ng kanyang loan amount kahit na naibigay na niya ang 10% cut ng mga “insiders” sa naturang bangko matapos na mag-apply ito ng kanyang initial loan na nagkakahalagang Php50 million.

Samantala, ayon naman sa Land Bank ay nagpapatupad ito ng mahigit na vetting process sa pagbibigay ng mga loans, batay sa kanilang existing policies at lahat ng iba pang nauugnay na banking rules and regulations.

Pinapanatili din anila sa kanilang kumpanya ang high ethical standards kung kaya’t tiniyak nito na bibigyan nila ng karampatang aksyon at parusa ang anumang magiging paglabag ng kanilang empleyado dito.

Sa ngayon ay sinibak na ng nasabing bangko ang mga empleyadong sangkot dito, at sinampahan na rin nito ng mga kaso.

Gayunpaman ay sinabi ni Taduran na hindi nag-alok ng anumang redress ang Land Bank sa American Boulevard para sa hindi na maibabalik na pinsalang idinulot ng naturang mapanlinlang na gawain.