Ikinukunsiderang case solved na ng PNP sa Region 4-B MIMAROPA ang kaso sa pinatay na abugado sa Narra, Palawan nitong November 17,2020.
Ito’y matapos mabatid na land dispute o awayan sa lupa sa Brgy. Isugod, Quezon, Palawan ang motibo sa krimen.
Ayon kay MIMAROPA Regional Police Director, Police BGen. Pascual Munoz, naaresto na ang tatlong suspeks na sangkot sa pagpatay kay Atty. Eric Jay Magcamit.
Ayon kay Munoz, base sa imbestigasyon ng kanilang Special Investigation Task Group Magcamit, nasampahan na ng kaso ang tatlo.
Naaresto ang tatlong suspeks base na rin sa salaysay ng mga testigo at sa kuha ng dashcam sa sasakyan ng biktima at CCTV sa lugar.
Kinilala ni Munoz ang mga suspeks na sina Jazrel Del Rosario at Marcelino Delos Reyes Quioyo na lulan ng motorsiklo na namaril sa biktima at pulis na si Staff Sgt. Ariel Pareja na nag-escort sa mga suspek.
Matatandaan na bago patayin, papunta sana sa hearing sa korte si Atty Eric Magcamit sa bayan ng Quezon nang harangin ang kaniyang sasakyan sa Brgy. Malinao, Narra, Palawan.
Pinababa siya ng mga salarin at pinagbabaril.
Nagtamo ng limang tama ng baril ang abogado na agad niyang ikinamatay.
Nabatid na si Magcamit ay nagsilbi rin ang abogado sa Palawan provincial legal office at naging legal researcher sa House of Representatives.