Nakatakdang ipatupad ng Land Transportation Office (LTO) sa April 15 ang pamantayang halaga ng maximum rates ng mga pribadong driving institution sa mga aplikante sa pagkuha ng lisensya sa pagmamaneho.
Sa ilalim ng bagong pamantayan, ang pinapayagang pinakamataas na halaga na maaaring singilin ng mga pribadong driving institution para sa Theoretical Driving Course (TDC) ay hanggang P1,000.00 lamang.
Habang, Itinakda naman ang pinakamataas na halaga ng sisingilin sa Practical Driving Course (PDC) sa P2,500.00 para sa kukuha ng lisensyang may code A at A1; hanggang P4,000.00 para sa license codes B, B1, at B2; at P8,000.00 para sa mga heavy vehicle na may license code C o Carrier of Goods gaya (Truck), (Bus), o Articulated Vehicles.
Ayon nga kay Land Transportation Office Chief Jay Art Tugade, pinagtibay na ng Memorandum Circular No. JMT-2023-2390 o Omnibus Guidelines on the Accreditation, Supervision, and Control of Driving Institutions, and the Standardization of Driver and Conductor’s Education, may katapat na multang P50,000 at anim na buwang suspensyon ng akreditasyon ang mga driving school na sa unang pagkakataon ay hindi susunod sa maximum prescribed rates ng mga TDC at PDC; multang P100,000.00 at hanggang isang taong suspensyon para sa ikalawang beses na paglabag; at revocation o pagkansela na ng akreditasyon kung lalabag pa rin sa ikatlong pagkakataon.
Dagdag pa ni LTO Chief Jay Art Tugade, na ang mga bagong panuntunan na ito ay dumaan sa masusing pag-aaral ng technical working group at sumalang din sa konsultasyon sa lahat ng mga stakeholders.
Samantala, nakasaad sa bagong panuntunan ang binawasang araw para makumpleto ang mandatory 15-hour na Theoretical Driving Course. Mula sa dating tatlong araw ay maaari ng tapusin ng aplikanteng driver ang kurso sa loob ng dalawang araw o pitong (7) oras sa unang araw at walong (8) oras sa susunod na araw sa loob lamang ng ng isang buwan.