Target ng Land Transportation Office (LTO) na makumpletong maibigay ang 90% ng mga license plate o plaka na nakabinbin pa hanggang sa katapusan ng taong 2023.
Sinabi ni LTO chief Assistant Secretary Teofilo Guadiz III na maging ang kanilang sariling planta ay gagamitin na rin para makapag-produce o gawa ng kinakailangang mga plaka bago matapos ang kasalukuyang taon.
Bukod dito, extended din ang oras ng operasyon ng mga manufacturing plant o mga planta na gumagawa ng mga license plate hanggang sa araw ng Sabado para lamang mas maraming magawa na replacement plates at para mabawasan ang backlog.
Ayon sa LTO nasa 2.3 million backlogs para sa vehicle replacement plates at 11.5 million naman para sa plaka ng mga motorsiklo.
Una ng inihayag ng LTO na nangangailangan ang ahensiya ng P6.8 billion pondo upang masolusyunan ang nakabinbing pa na produksiyon ng mga plaka.