LEGAZPI CITY – Suspendido na ang land travel ng mga patungong Visayas at Mindanao na dadaan sa Sorsogon mula alas-6:00 kagabi, batay sa abiso ng Land Transportation Office (LTO) Bicol.
Sa public advisory, ipinaalam ng LTO Bicol na alinsunod ito sa request ng Office of the Civil Defense (OCD) Bicol bilang precautionary measure sa pinaghahandaang epekto sa rehiyon ng papasok na Bagyong Odette.
Iniiwasan din lamang umano ang paghaba pa ng pila ng mga sasakyan sa labas ng mga pantalan lalo na sa Matnog Port at Maharlika Highway.
Dahil kasi sa kakulangan ng shipcalls o vessel departure sa Matnog port nitong mga nakalipas na araw, higit 1,000 na pasahero ang stranded at higit 500 rolling cargoes na karamihan ay trucks.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay LTO Sorsogon chief Grace Rojas, tumutulong na rin ang kanilang mga enforcers sa pagmonitor sa mga tatawid patungong Visayas lalo na sa may kargang perishable goods.
Maliban pa rito mula ngayong araw Disyembre 14 dakong alas-9:00, suspendido na rin ang land travel ng mga babiyahe patungong isand Catanduanes at Masbate sa kaparehong dahilan.
Samantala, nagsagawa na rin ng regional Pre-Disaster Risk Assessment (PDRA) ang OCD Bicol bahagi pa rin ng paghahanda kahit pa nakasentro sa Visayas-Mindanao area ang forecast track ng sama ng panahon.
Paalala ang paghahanda ng LDRRM councils sa dadalhin nitong malalakas na pag-ulan na makakapagdulot ng pagbaha, rain-induced landslides at lahar flow.