-- Advertisements --

Tiniyak ng Land Bank of the Philippines (LandBank) na handa itong makipag-ugnayan sa ginawang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay sa phishing scam kung saan pawang mga guro ang biktima.

Sinabi ni LandBank president and CEO Cecilia Borromeo, aktibo silang lalahok sa pagsisiyasat na ito at magpapaabot ng buong kooperasyon sa NBI na ang layunin ay higit pang masiguro ang pera ng kanilang mga depositor.

Idinagdag ni Borromeo na ang bangko ay nagsasagawa rin ng sariling imbestigasyon.

Nakikipag-ugnayan na rin aniya ang LandBank sa Department of Education para sa listahan ng mga gurong naiulat na nabiktima sa umano’y scam.

Magugunitang, inatasan ng DOJ ang NBI na magsagawa ng imbestigasyon at case build-up sa umano’y phishing scheme laban sa mga guro.

Sa isang department order, pinahintulutan din ni Justice Secretary Menardo Guevarra si Officer-in-Charge Eric Distor na magsampa ng mga kaukulang kaso laban sa mga mapatunayang responsable kung may ebidensya.

Inutusan din si Distor na magsumite ng ulat sa pag-usad ng subject investigation at pagbuo ng kaso nang direkta sa Office of the Justice Secretary sa loob ng 30 araw.