Tiniyak ng Land Bank of the Philippines na maaasahan pa rin ang seguridad sa bank accounts at personal information ng kanilang mga kliyente mula sa mga masasamang loob na gumagamit ng makabagong teknolohiya upang makapagnakaw sa kapwa tulad na lamang ng hacking.
Ito ay kasunod ng naging pahayag ng Teacher’s Dignity Coalition (TDC) na tinatayang umaabot umano mula P26,000 hanggang P121,000 ang nanakaw mula sa bank accounts ng 16 na guro mula sa Metro Manila, Calabarzon (Cavite-Laguna-Batangas-Rizal-Quezon), Central Luzon, Negros, at Mindoro.
Sa inilabas na pahayag ng Landbank, nakasaad na batay sa kanilang naging inisyal na imbestigasyon ay lumalabas na hindi na-hack ang kanilang system kasabay ng paglinaw na biktima ng tinatawag na phishing ang mga device na ginagamit ng naturang mga guro kaya nakapagsagawa ng unauthorized transaction sa kanilang mga bank account.
Ang phishing ay ginagawa ng isang hacker kung saan nagpapadala ito ng isang email o text messages na mistulang galing sa isang lehitimong bangko upang makuhanan ang isang indibidwal ng kanyang personal na impormasyon tulad ng username, password, card number, at marami pang iba.
Paliwanag pa ng bangko, hindi kailanman magtatanong ng critical financial information sa kanilang mga kliyente ang lehitimong mga kinatawan ng Landbank.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang pakikipag-ugnayan ng Land Bank sa mga biktima ng hacking upang masolusyonan ito sa lalong madaling panahon.
Patuloy din naman nitong pinaalalahanan ang kanilang mga kliyente na iwasan ang basta-bastang pagbubukas ng anumang kaduda-duang email, links, at attachments, maging ang pagbibigay ng personal na impormasyon sa iba.
Pinapayuhan din ang mga indibidwal na agad na mag-report sa kani-kanilang mga handling branch o tumawag sa kanilang customer care hotline sakaling makakaranas din ang mga ito ng ganitong klase ng mga insidente.