-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nasa ligtas na lugar na sa ngayon ang higit 20 pamilya na naging apektado ng baha at landslide sa bayan ng Tboli, South Cotabato dahil sa walang humapay na pagbuhos ng ulan dala ng masamang panahon.

Ito ang inihayag ni Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer Rolly Doane Aquino sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ayon kay Aquino, agad na nabigyan ng mga pangunahing pangangailangan ang mga pamilyang apektado ng baha sa Sitio Datal Nabong, Brgy. Laconon, Tboli, South Cotabato.

Ilan sa mga naibahaging relief goods ay naglalaman ng mga foodpacks, mga kumot at ibang mga gamit na pansamantalang gagamitin habang nasa evacuation center ng barangay.

Maliban sa baha ay naitala din ang landslide sa ilang lugar ngunit wala naming naitalang residenteng naapektuhan maliban sa pahirapan na daan.
Personal ding tumungo si Tboli Mayor Hon. Keo Dayle T. Tuan sa mga biktima ng baha at namahagi ng tulong pinansyal na 5K sa bawat pamilya, mga materyales para sa mga itatayong bahay.

Sa ngayon, gumagawa ng paraan ang local government unit ng Tboli upang makahanap ng relocation site para sa mga apektadong residente.

Naglaan din ang Barangay Council ng Laconon ng karagdagang pondo mula sa kanilang calamity fund para sa mga nasalanta ng pagbaha.

Sa ngayon, pansamantalang nanunuluyan sa Barangay Evacuation Center ang mga apektadong residente habang inaasikaso ng LGU Tboli ang paghahanap at pagbibili ng relocation site.

Patuloy naman na nananawagan ang opisyal sa mga residente na nakatira sa mga flash flood and landslide prone areas na maging alert at vigilante sakaling bumuhos naman ang malakas na ulan.