-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Doble-ingat ngayon ang mga mamamayan sa South Cotabato kasunod ng nangyayaring mga kalamidad bunsod ng masamang panahon sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Sa bayan ng Surallah, inihayag sa Bombo Radyo Koronadal ni MDRRM officer Leonardo Ballon na sapilitang inilikas ang nasa 20 indibidwal mula sa pitong tahanan sa bahagi ng Sitio Manumboy, Barangay Lamsugod dahil nasa tabi lamang ng bangin ang nasabing mga bahay, matapos lumambot ang lupa dahil sa ilang araw na pag-ulan.

Samantala, inihayag naman ni Norala MDRRM officer Aiza Lim na patuloy rin ang kanilang clearing operations sa isang bahay na nabagsakan ng mga punongkahoy dahil sa malakas na hangin.

Ani Lim, pagmamay-ari ni Edna Paclibar ang naturang bahay na gawa sa light materials.

Ngunit ipinaliwanag nitong walang katao-tao sa loob ng bahay nang mangyari ang aksidente.

Dagdag ng opisyal, nasa sakahan si Paclibar, habang nasa bahay naman ng lola ang 22-anyos na anak nitong babae na isang PWD kasama ang 11 buwang taong gulang nitong anak.

Sa ngayon ay nakahanda aniya ang local government unit na tulungan ang apektadong pamilya kasunod ng naturang kalamidad.