-- Advertisements --

TACLOBAN CITY – Ikinabahala ng mga residente sa Borongan City ang nangyaring landslide sa bahagi ng Brgy. Calicoan ng lungsod dahil sa walang humpay na pag-ulan dulot ng shear line.

Ayon kay Borongan City Mayor Jose Ivan Dayan Agda, dahil sa lakas ng ulan ay bumigay ang lupa sa nasabing parte ng barangay at ilang mga sasakyan at pasahero ang na-stranded dahil dito.

Base sa report ng PAGASA nasa ilalim ng Red Rainfall Warning ang buong Eastern Samar.

Wala namang naitalang nasugatan o casualties sa nasabing landslide ngunit binabantayan na sa ngayon ng mga otoridad ang posiblidad ng pagbaha sa nasabing lugar dahil sa walang tigil na ulan.

Samantala, temporaryong ipinasara ang Binaloan Taft Road sa Eastern Samar dahil rin sa pinangangambahang landslide.

Sa bahagi naman ng Northern Samar, isang motorbanca na may kargang generator para sa National Power Corporation ang nalunod dahil sa lakas ng alon.

Kanselado na rin sa ngayon ang byahe ng mga sasakyang pandagat sa Northern Samar at ilang mga pasahero ang stranded.

Nakanda na ang mga otoridad sa nasabing probinsya sa posibilidad ng pagpapatupad ng forced evacuation sa mga residente ng mga coastal areas.