-- Advertisements --

NAGA CITY – Ilang landslide at rockfall ang naitala na sa lalawigan ng Camarines Sur dahil sa patuloy na pag-uulan na dala ng Bagyong Ramon.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga kay Sagñay Mayor Jovi Fuentebella, nabatid na ilang rockfall na an naitala sa Sagñay-Tiwi road sa may Sitio Cadbalogo patungog Sitio Rawis.

Maliban dito, naitala rin ang landslide sa Sta. Rosa del Norte at Sur sa bayan ng Pasacao kung kaya agad na inilikas ang ilang pamilya na nananatili sa lugar.

Sa data ng MDRRMO Lagonoy, apat na barangay na ang binaha habang not passable naman ang mga kalsada sa Brgy. Gubat, Himagtocon, at San Roque dahil sa mga pag-apaw ng mga spillwaty sa lugar.

Samantala, sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Che Bermeo, Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer ng Camarines Sur, sinabi nitong nasa 137 pamilya na ang inilikas mula sa mga bayan ng Pasacao, Caramoan at Garchitorena na apektado ng mga pagbaha.

Ayon kay Bermeo, posibleng tumaas pa ang bilang ng mga evacuees at mga lugar na naitala ang pagbaha dahil nagpapatuloy pa ang operasyon ng operation centers mula sa iba’t ibang bayan.