LEGAZPI CITY – Hindi pa rin madaanan at nananatiling mapanganib sa mga motorista at biyahero ang gumuhong bahagi ng bundok sa kahabaan ng Sta. Magdalena-Bulusan road sa Sorsogon.
Ayon kay PLt. Edwin dela Fuente, hepe ng Sta. Magdalena Municipal Police Station sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nakakordon pa ang lugar habang hinihintay ang pagdating ng heavy equipment ng Provincial Engineering Office para sa clearing operations.
Sa isinagawang ocular inspection ng kapulisan, nasa 150 metro na umano ang lawak ng lupa na ibinagsak subalit pinangangambahang muling magkaroon ng pagguho.
Hinihintay lamang ang pagbuti ng lagay ng panahon upang hindi mailagay sa alanganin ang kaligtasan ng mga magsasagawa ng pagtanggal ng debris.
Nabatid na ilang araw nang nakakaranas ng malalakas na mga pag-ulan ang lugar lalo na kung madaling-araw.
Kamakailan lamang nang maiulat din ang pagguho ng lupa hindi kalayuan sa kasalukuyang landslide na nagdulot pa ng tuluyang pagbagsak ng katabing seawall.
Sa ngayon, abiso sa mga manlalakbay na sa mismong Maharlika Highway na muna dumaan o umikot sa bayan ng Irosin upang hindi maabala ang biyahe.