-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY – Mahigpit pa rin ang ginagawang monitoring ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng Local Government Unit sa mga landslide prone areas sa bayan ng Alabel Sarangani Province.

Kasunod ito ng nangyaring landslide sa Bla, Sitio Klao, Barangay Pagasa malapit sa tulay ng madaling araw.

Ayon kay Christian Jay Laya, Public Information Officer ng Alabel, kaagad na nagpadala ng heavy equipment sa lugar upang maalis ang mga lupang gumuho sa kalsada.

Aniya, ang pangyayari ay nagdulot ng abala sa maraming motorista kaninang umaga ngunit hindi naman gaanong tumagal at naging passable na rin ang daan.

Iniulat naman nito na walang pasok ngayong araw sa buong lalawigan ng Sarangani dahil sa mga pagbuhos ng ulan kahapon epekto ng umiiral na shearline.

Kahit bumubuti na ang panahon ngayon sa Alabel, subalit inalerto pa rin sa mga maaaring flashflood at landslide ang mga residente lalong-lalo na ang mga naninirahan malapit sa ilog, bundok at baybayin.