LEGAZPI CITY – Naitala ang maliliit na pagguho ng lupa sa ilang bahagi ng Legazpi City dahil sa naranasang mga pag-ulan na dulot ng bagyong Ambo, partikular na ang maliit na burol sa bahagi ng Barangay 59, Puro sa naturang lungsod.
Dahil dito, naharangan ng gumuhong lupa ang kalsada sa naturang lugar subalit wala namang nasaksan sa insidente dahil malayo ito sa mga kabahayan.
Nailikas na rin ang lahat ng mga residente na nasa flood at landslide prone areas nitong Huwebes ng hapon habang naipamahagi na rin ang unang bugso ng relief goods habang inihahanda pa ang ibang ipapamahaging ayuda.
Nabatid na aabot sa 20,000 na pamilya mula sa lungsod ang posibleng maapektuhan ng naturang sama ng panahon.
Samantala, pahirapan naman ang sitwasyon sa Barangay Victory Village na nananatiling naka lockdown ngayon matapos makapagtala ng ilang positibong kaso ng COVID-19 kabilang na ang ilang opisyal ng barangay subalit una nang siniguro ni Legazpi City Mayor Noel Rosal na nabibigyan ng sapat na tulong ang mga residente sa lugar.