LEGAZPI CITY – Nananawagan ng tulong sa Provincial Government ng Masbate ang Barangay Umabay Exterior sa bayan ng Mobo matapos na makapagtala ng landslide dulot ng walang patid na mga pag-ulan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Barangay Kagawad Amor Hermosa, dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan ay lumambot ang riverbanks sa may
Sagawsawan river na nagresulta sa pagguho ng lupa.
Naapektuhan nito ang tanging tulay na daanan ng mga residente sa isang purok.
Ayon kay Hermosa, nasa 24 pamilya ang apektado ng naturang insidente na namomroblema kung saan dadaan.
Pwede naman aniya na bumaba at dumaan sa mismong ilog, subalit labis na delikado lalo pa’t malakas ang agos ng tubig dulot ng mga pag-ulan.
Ipinagpasalamat ni Hermosa na madaling araw nangyari ang naturang landslide dahil kung umaga ay tiyak na mayroong madidisgrasya dahil maraming dumadaan sa naturang tulay.
Hiling nito sa pamahalaang panlalawigan na iprayoridad ang pagsasaayos ng naturang tulay at malagyan ng riprap ang riverbanks upang maiwasan ang mas paglawak pa ng pagguho.
Umaasa ang opisyal na madinig ang kanilang panawagan dahil para lang naman ito sa kaligtasan ng mga residente.