Naitala ang insidente ng landslide o pagguho ng lupa sa ilang parte ng National Road mula Basco patungong Imnajbu sa probinsiya ng Batanes dahil sa malalakas na pag-ulan dala ng bagyo nitong nakalipas na gabi ng Biyernes, Nobiyembre 16.
Sa isang statement ngayong Sabado, sinabi ni Batanes Governor Marilou Cayco na sinimulan na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kasama ang Municipal LGUs at Provincial Government ang clearing operations sa naturang kalsada.
Maliban dito, nakapagtala din ng minor landslide sa ilang sections ng kalsada kabilang ang Hohmoron (Blue Lagoon), Chatapuyan at Chararakuhan sa bayan ng Ivana.
Nagkaroon din ng mga rockfall o bumagsak na bato at natumbang puno sa kalsada partikular na sa Diatay, Mavatuy at Hohmoron.
Sa road advisory naman ng Batanes PDRRMO ngayong araw, fully passable na para sa lahat ng sasakyan ang kalsada mula sa Basco patungong Uyugan Centro. Maaari na ring madaanan ng 4-wheel vehicles sa Mahatao-Chawayan interior road. Bagamat pinag-iingat pa rin ang mga motorista sa anumang debris o nakaharang sa kalsada at mag-ingat sa pagmamaneho.
Samantala, tanging single na motorsiklo lamang ang maaaring makadaan sa Chawayan interior road-Imnajbu-Itbud at hindi sa malalaking sasakyan dahil sa kasalukuyang kalagayan ng naturang kalsada.
Sa may Itbud-Songsong, hindi pa ito madaanan dahil nagpapatuloy ang clearing operation gayundin sa Uyugan Centro- Songsong.
Kaugnay nito, inaabisuhan ang mga motorista na mag-ingat sa pagmamaneho ngayong maulan dahil madulas ang mga kalsada, mataas din ng tiyansa ng landslide o rockfalls at mahirap ang visibility sa mga kalsada. Pinapayuhan din ang mga motorista na manatiling updated sa mga sitwasyon sa kalsada, bawasan ang bilis sa pagpapatakbo ng sasakyan para maiwasan ang aksidente at sundin ang anumang abiso mula sa road authorities.