-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Nagsagawa ng landslide drill ang Local Government Unit ng Barangay Perez Kidapawan City. Ito ay naging posible sa pangunguna ng Action Against Hunger MOVE UP 4 project funded by the European Union Civil Protection and Humanitarian Aide (ECHO), at City DRRM Office ng City Government.

Layunin ng aktibidad na sukatin at alamin ang kahandaan ng naturang barangay sa oras na may magaganap na pagguho ng lupa o landslide sa kanilang lugar.

Bahagi ng Third Quarter Nationwide Earthquake Simulation Drill ang aktibidad.

Ginawa ang simulation activity sa may Sitio Embasi ng nabanggit na barangay.

Isang matarik at malayong lugar ang Sitio Embasi na nakaranas ng mga pagguho ng lupa noong October 2019 Mindanao Earthquake kung saan abot sa 90 na mga pamilya ang inilikas mula sa lugar na mapanganib sa landslide.

Pansamantalang nakatira ngayon ang nabanggit na bilang ng mga pamilya sa evacuation center habang tinatapos at kinukumpleto na ng City Government of Kidapawan ang relocation site na kanilang permanenteng malilipatan sa mas ligtas na lugar sa Barangay Perez.

Nagsilbing evaluators ng simulation activity ang Action Against Hunger, City Disaster Risk Reduction and Management Office, City Social Welfare and Development Office, Philippine Red Cross, Armed Forces of the Philippines at ang Philippine National Police.

Ganap na alas 9:10 ng umaga ay pinatunog na ang sirena hudyat ng pagpapalikas ng mga otoridad sa may 30 pamilya na nakatira sa lugar.

Maagap ang ginawang pagresponde ng Barangay LGU ng Perez sa mga biktima ng landslide na lumikas sa kanilang tirahan.

Nagsagawa din ng triage at first aid ang Barangay LGU sa mga sugatan at nasaktan habang lumilikas at nagpaabot naman ng pagkain o food relief ang mga Barangay Social Workers sa mga pamilyang bumaba patungo sa Datu Igwas Integrated IP School na siyang ginawang evacuation center sa simulation drill.

Samantala, malaking hamon naman para sa mga otoridad ang evacuation kung halimbawang may ma-isolate, nagpositibo sa Covid-19 o sumasailalim sa quarantine na mga pamilyang na exposed sa Covid19.

Dito na papasok ang mga kagawad ng City Epidemiology and Surveillance Unit o CESU na siyang tutulong sa pagpapalikas at pagtiyak na hindi makakahawa sa iba ang mga pasyenteng may Covid19.

Bunga nito ay inaasahang magkakaroon ng pagbabago para sa mas mabilis at epektibong pagsasagawa ng evacuation sa iba pang mga barangay sa panahon ng kalamidad.