LEGAZPI CITY – Nakapagtala ng hanggang limang landslides ang bayan ng Juban, Sorsogon matapos ang naranasang malalakas na pag-ulan dulot ng trough ng Low Pressure Area.
Sa Brgy. Taboc, dumausdos sa kalsada na nag-uugnay patungong bayan ng Magallanes ang lupa na may kasamang ilang puno ng niyog.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Juban MDRRMO officer Herbert Morales, ilan sa mga residente na patungong Magallanes ang na-stranded.
Agad namang nagpadala ng truck ang LGU para sa mga ito upang ligtas na makatawid sa daan.
Umabot naman sa tatlong oras ang isinagawang clearing operations ng mga barangay officials at Department of Public Works and Highways (DPWH) para maging passable ang daan.
Maliban sa mga pagguho ng lupa, nakapagtala rin ng mga pagbaha sa naturang bayan.