Inamin ng singer na si Lani Misalucha na tila hindi pa nagsi-sink in sa kanya ang pagkabingi ng isa nitong tainga matapos magkaroon silang magkaroon ng kanyang asawa ng bacterial meningitis.
Ayon kay Misalucha, hindi niya raw malaman sa ngayon ang kanyang gagawin lalo pa’t bilang isang mang-aawit ay kailangan niya ang kanyang pandinig.
Hindi rin itinago ng “Asia’s Nightingale” na nakaramdam din siya ng kawalan ng pag-asa.
“‘Yung feeling ko napaka-helpless ako and parang hopeless na rin. Parang wala pa akong makitang answer right now. Actually nagsi-search pa rin ako ngayon. You keep on searching, meron pala Siyang ibang sagot, hindi lang natin nakikita kasi iba ‘yung gusto nating sagot na matanggap,” wika ni Lani.
“Sabi ko ‘Okay lang,’ kung ito ‘yung binigay na challenge then I’ll take the challenge,” dagdag nito.
Kuwento ni Misalucha, naunang dinala ang kanyang asawa sa ospital noong Oktubre 9 ngunit hindi na rin daw maganda ang pakiramdam ni Lani kinabukasan.
“Masakit ang buong katawan, parang pounding headache, and then diniretso na rin ako sa ICU … Meron lang talaga kaming patuloy na nararamdaman which is ‘yung dizziness, and pagkahina ng pandinig,” kuwento nito.
“Para kang nasa ilalim ng tubig, so muffled talaga saka high-pitched,” dagdag ni Lani.
Sa kabila nito, nagpasalamat pa rin si Lani na hanggang ngayon ay buhay silang mag-asawa.