Posibleng ma-contempt ang mga dating opisyal ng Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM) kung patuloy umanong hindi sisipot sa pagdinig ng Kamara de Representantes kaugnay ng kuwestyunable umanong P47.6 bilyong kontrata ng gobyerno sa Pharmally.
Naglabas ng “show-cause” order ang subcommittee ng House Appropriations Committee na nagsasagawa ng pagdinig laban kay dating PS-DBM chief Lloyd Christopher Lao, abugadong si Warren Rex Liong, dating Overall Deputy Ombudsman, at iba pang opisyal ng PS-DBM.
Binigyan-diin ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, isa sa mga“Young Guns” ng Kamara de Representantes na mahalaga na makadalo sa pagdinig ang mga dating opisyal ng PS-DBM upang mabigyang linaw ang mga isyu kaugnay ng maanomalyang kontrata.
Sa ikatlong pagdinig nitong Martes ay muling hindi sumipot si Lao sa pagdinig, gayundin si Liong, na siyang in-charge sa paglipat ng pondo ng Department of Health sa PS-DBM.
Dahil dito, hiniling ni Adiong na magpalabas ng show-cause order laban kay Lao at iba pang dating opisyal na hindi sumipot sa pagdinig. Sumegunda naman si Manila Rep. Benny Abante at inaprubahan ng lider ng subcommittee na si Iloilo Rep. Janette Garin, isang dating kalihim ng DOH, ang mosyon.
Ayon kay Abante kung muling hindi sisipot ang mga dating opisyal ay maaaring maharap ang mga ito sa contempt at ipaaresto ng komite.
Nauna ng sinabi ni dating DOH Sec. Francisco Duque na ipinag-utos ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang paglipat ng P47.6 bilyong pondo ng DOH sa PS-DBM noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Sinabi ni Garin na dapat ay nagkaroon ng memorandum of agreement sa ginawang pagbili dahil ang mga medical equipment at supplies ay hindi “common use” supplies, taliwas sa sinabi ni Duque sa nakaraang pagdinig.
Ayon kay Garin nasa P190 bilyon ang ginamit sa pagbili ng mga overpriced na medical supplies at kagamitan.
Nagpahayag naman ng pagkabahala si Ang Probinsyano Rep. Alfred delos Santos dahil mayroon pang P2 bilyon mula sa P47.6 bilyon ang hindi pa alam kung saan napunta.
Ayon kay Rabahansa Dagalangit, Team Supervisor mula sa Fraud Audit Office ng Commission on Audit (COA) mayroong nakitang mga iregularidad ang ahensya sa transaksyon ng gobyerno sa Pharmally.
Kasama rito ang kawalan ng Memorandum of Agreement na siyang susundin sa gagawing pagbili ng PS-DBM, ang kawalan ng Pharmally ng kakayanan na maibigay ang binili ng gobyerno at iba pang bagay na ginamit umano upang mapagtakpan ang ginawang paggastos sa P47.6 bilyon.