-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Inamin ng Department of Trade and Industry (DTI) Isabela na tumaas ng tatlong daang bahagdan ang bentahan ng mga IT products pangunahin nang mga laptop sanhi ng pagtaas ng demand o pangangailangan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Provincial Director Winston Singgun ng DTI Isabela na patuloy na minomonitor ng DTI Isabela ang supply and demand maging ang presyo ng mga IT products.

Sinabi pa ni Provincial Director Singgun na naisipan nila ang pagsasagawa ng monitoring sa mga nasabing produkto dahil sa mga ipinapatupad ngayon na alternative modalities sa learning system at ang paggamit ng virtual na pagpupulong o trabaho at tele-conferencing.

Ayon pa kay PD Singgun maging ang mga bond paper, netbooks, tablets at ink ay tumaas din ang pangangailangan o demand.

Upang hindi anya tumaas ang presyo ng mga nasabing produkto ay sinabihan na nila ang mga suppliers na dagdagan pa ang kanilang produkto upang maging sapat at hindi tataas ang presyo.

Sa ngayon anya ay nagkukulang ang tustos ng bond papers at laptop na A4 ang size dahil ito ang hinahanap ng mga mag-aaral batay sa kanilang monitoring.