-- Advertisements --

LAPU-LAPU CITY -Masayang ipinagmalaki ni Mayor Junard ‘Ahong’ Chan na ang lungsod ng Lapu-lapu ang kauna-unahang local government unit sa buong Central Visayas na nagsagawa ng COVID-19 vaccination dry run na isinagawa kanina Marso 3 sa Brgy. Pajo gym.

Nangangahulugan pa umano ito na handa na sila para sa Phase 1 ng kanilang Covid-19 Vaccination Program kung saan uunahin ang mga healthcare workers.

Mayroon itong 6 na hakbang bago mabakunahan kabilang na dito ang Step 1 – Waiting area, Step 2 – Registration, Step 3 – Counselling, Step 4 – Screening, Step 5 – Vaccination area, Step 6 – Post-vaccination area.

Inihayag din ng alkalde na ang bakunang Sinovac ang gagamitin sa Phase 1 para sa mga may edad 18 hanggang 59 anyos.
Sa Phase 2 umano nais nitong mabakunahan ang mga driver ng pampublikong transportasyon at mga market vendor. Pagdating naman sa Phase 3 ay ang mga PWD at indigents habang mga miyembro naman ng PNP, BFP, at BJMP sa Phase 4.

Umaasa pa si Chan sa kooperasyon at suporta ng mga nasasakupan dahil ang pagkakaisa at disiplina umano sa sarili ang susi ng tagumpay laban sa Covid-19.